ilang taon na kaya yong puno ng acacia sa gitna ng quadrangle ng ating elementary school? kahit nuong nag-aaral pa tayo doon eh parang ang tanda tanda na niya.
inisip ko dati merong isang super mother higad iyong puno ng acacia na kasing edad nito na pinang-gagalingan ng sangkatutak na higad na maya't maya ay nahuhulog sa nagkakatihan at nagpupulahang batok, braso at noo ng mga batang mag-aaral. kahit na hindi ako nabiktima ng mga falling higad ay nakaka-relate ako sa hirap at pagkagitla ng mga nag-ngangatihang mga bata na sasabihan ng mga titser na kanilang lalapitan bilang pangalawang magulang sa paaralan para sa kanilang suliraning kahigaran ng -> "HUWAG MONG KAMUTIN AT KAKALAT!!!"
kung hindi ako nagkakamali ay hindi lang higad ang nahuhulog mula sa acacia kundi mga dahon din. walang patid na naglalaglagang dahong dilaw, mala dilaw na mala brown, mala brown na mala orange, at kahit mga berde pa. inakala ko dati na kagagawan ng mga walang magawang mga higad ang pagkatanggal ng mga dahon sa puno at dahil sa excitement nilang magtanggal ng mga dahon ay nahuhulog ang ilan sa kanila diretso sa mga batok ng kung sino pang mga iyakin na mga bata.
inisip ko noon na bakit ang laki laki ng acacia tapos ang liit-liit naman ng mga dahon niya. ang nararapat sa ganon kalaking puno eh yong dahon ng puno ng saging di ba? kasi kapag ganon kalaki ang dahon niya eh mahihirapan na yong mga higad na tanggalin ito at kung mahulog man ay hindi siya makalat dahil hindi siya matataboy ng hangin habang winawalis ng janitor at sa totoo lang kung kasing laki nga ng dahon ng saging ang nakakalat sa quadrangle ay pupulutin na lang yon kaysa walisin.
ang hinihintay kong bumagsak mula sa acacia eh yong mga sipa na kinoconfiscate niya sa mga batang naglalaro kapag recess at lunch break, sinasalo niya ang mga ito at hindi na ibinabalik. hindi na ako nakakakita ng sipang tingga at sako tulad ng mga ginamit natin noon, siguro ay dahil bago na ang style ng mga bubong ngayon kaya hindi na pamilyar sa tingga ang mga bata dala na rin siguro nagtatanggalan ang mga yero ng bubong ng mga bahay noong panahon natin dahil sa mataas na demand ng tingga para sa sipa.
siguro bukod sa sipa ay marami pang ibang bagay na kino-confiscate ng punong acacia sa gitna ng ues noon dahil madalas-dalas ang kaganapang nagkukumpulan ang mga bata sa ilalim nito at nakatingala't may itinuturo na kung anong bagay sa mga sanga ng acacia. ang madalas na ituro at pagkaguluhan ay kapag may pusang naligaw sa mga sanga nito.
pero kahit wala namang ibang bagay sa sanga ng acacia bukod sa higad at maliliit na dahon nito ay parang milagrosang puno ito na kung anu-anong aparisyon ang nakikita ng mga bata kapag tumingala sa punong ito.
humila ka lang ng isa o dalawang walang magawang mga kaklase o kaibigan (parang marami nito nuong panahon natin) para tumayo sa ilalim ng acacia at pare-parehong tumuro sa mga sanga nito ay siguradong mag-kukumpulan na maya maya ang mga batang grade 1 at grade 2 para tingnan kung ano ang itinuturo ng unang tatlong batang walang magawa pagkatapos kumain ng baon. mga batang grade 3 at 4 ang unang makakapagsabi kung anong hinahanap ng mga batang grade 1 at 2. maya maya ay mga batang grade 5 at 6 naman ang nag-uunahang makakita at pagtalunan ng kung anumang bagay na sinasabi ng mga batang grade 3 at 4 na nasa puno ng acacia.
tiyak tuwang tuwa si super mother higad.
Tuesday, April 18, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment