sa totoo lang wala akong ngiping nabulok, at yon mismo ang naging problema nung aking kanang pangil, lalabas na siya pero kapit na kapit pa ang mga temporary na dapat niyang palitan kaya sa gilagid ko na lang siya lumabas sa taas ng ibang ngipin, kaya parang parati akong naka-ismid.
sobrang alaga kasi sa ngipin ko nuong bata pa ako, kaya antitibay ng temporary, at kaya na rin baku-bako ang mga ngipin ko ngayon. wala namang puwang o siwang sa dapat na kinalagyan ng aking pangil dahil nagsiksikan din ang mga permanente sa lugar nito, pero hindi pantay ang aking labi dahil sa kakulangan ng pangil sa kanan.
medyo tricky ding sipilyuhan ang sungki kong pangil na yon dahil kailangang itaas ko ng husto ang aking labi para maabot ito ng maigi. sa ganitong pagkakataas ng aking labi habang ako'y nagsisipilyo sa harap ng salamin naging palaisipan sa akin kung bakit puti ang bula ng tutpeys na asul. kung hindi sana naubusan ng colgate noon sa tindahan ay wala sanang problema dahil ni minsan sa akin pang maikling buhay noon ay hindi naging asul ang bula ng tutpeys na puti.
naging mailap sa akin ang sagot sa tanong na ito, natungkab at nabunot na lang ang sungking pangil ay puros pagpapatibay ng mga shells at chalk lamang ang natutunan ko mula sa mga patalastas ng colgate at puro ngitian at flying kiss naman sa close-up. nagawan ko pa nga ng tula minsan yan, ang huling linya ay 'o payapa sana ang mundo kung asul ang bula ng tutpeys na blue'.
eh di tumanda na ako ng husto, pagkatapos ng 20 taon ay nakapag-reunion na rin kaming iilan sa mga magkakaklase nuong may sungki pa ako nuong elementarya. isa sa mga andon ay si jazer na matagal nawala dahil nagtrabahong flight attendant (formerly called stewardess during a more potitically incorrect or unpolitically correct time) na base sa kuwait.
sa pagtext ko sa kanya para tanungin kung kumusta siya (kumusta buhay? do you like the things that life is showing you? where are you going to? do you know?) ay naisama ko na ring tanungin kung bakit asul ang langit at kung bakit puti ang bula ng tutpeys na blue. tinanong ko na rin ata kung kelan ang independence day ng vietnam.
nakalimutan ko na if she knew where she was going to pero nakakatuwang isipin na kaklase ko nuong me sungking pangil pa ako ang sa wakas nakapagbigay sa kin ng kasagutang:
"ang bula ng tutpeys na blue ay sanhi ng SLS o sodium laureth sulfate n cya ding sangkap ng soap o shampoo n d apektado ng colorant. ang kemikal n ito ay napabalitang nkkcancer subalit hindi ito ang siyang sangkap n nkklinis kaya't wala nito ang washing machine detergents.'
'Ang SLS ay sagana sa sabong baretang panlaba produkto ng mga kapitalistang mapagsamantala s mga taga nayon n pinaniniwalang pag mas mabula ang labada, mas malinis"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
para nga isipin mo na mas nagpapalinis siya dahil nakondisyon na tayo na pag masmabula ay mas-malinis
kya ba ang toothpaste ay sya ring pinapahid kapag napapaso ka? ganun ba yon?
Post a Comment