Wednesday, February 02, 2005

brief thief

me nagnakaw ng mga brief ko.

nalaman ko kahapon ng kunin ni che ang pinalabhan ko sa laundryshop sa davao. pinasok ng magnanakaw ang shop at kumuha ng kung anu-anong damit sa ibang mga labada. winakwak din ang nakasupot nang mga pinalabhan ko at kinuha ang lahat ng aking brief at panyo at isang pambahay na shirt. hindi kinuha ang pantalon o panlakad na shirts ko, hindi rin kumuha ng mga brief sa labada ng ibang tao. kahit sa may-ari ng shop ay palaisipan din kung bakit pinuntirya ang aking mga brief.

nuong last akong nagpalaba sa isa pang laudry shop nuong disyembre sa davao ay isinupot naman ang dalawa kong pantalon sa laundry ng iba!

talagang oras na nga siguro na nalipat na ako ng trabaho uli sa maynila kahapon at medyo weird na ang mga nangyayari sa akin sa mindanaw. napuntahan ko na yong CIDG at ako pa ang nagpumilit sa imbestigador na piktyur ko nga yong nasa case file nila sa murder ni rashsid manahan at pwede na nila akong imbestigahan. ayaw maniwalang ako yon dahil ang guwapo ko daw (eherm! ubo-ubo!) at di naman daw ako kailangang interbyuhin pa.

nagbago na rin ihip ng hangin mula ng huli king post. hindi nawala ang wallet ko, magaling lang pala akong magtago talaga para di makita ang wallet ko ng bad pipol. tinanggap na rin ng board ng TFD na malipat ako ng maynila (clap clap clap).

bago ako umalis ng mindanaw ay nagpagupit na ako, pero mukha pa rin akong sisiw ng balut. nabili ko na ang x-men danger room battle archives at sinamahan ko na rin ng origin of generation next: tales of the phalanx covenant para kay aying. nakakain ako ng chicken siopaw pero di na nakapag crispy hito at isol dahil late na kong nakapunta sa madayaw kaya chix bbq na lang inorder ko.

tumaya na rin ako sa megalotto at super lotto kahit na hindi ako tumama. bago natapos ang enero ay nakapag-thai massage ako, 1hour body, 30 min foot. sarap buhay.

10 kilos excess weight ng baggage ko at me naiwan pa akong mga gamit sa dabaw. kwela talaga kapag boarding na ng eroplano, andami talagang di marunong sumunod sa procedures kahit pinaulit-ulit na ito sa PA ng ingles at tagalog. nag-uunahan makapasok sa gate eh hindi naman sila mauubusan ng upuan, at kahit na mauna silang makaupo sa eroplano eh sabay-sabay naman kaming aalis.

kahit na ano pang announcement na i-off na ang cellphones ay sige pa rin ang text at tawag na para bang huling pagkakataon na iyon na makontak kung sinong kinokontak eh isa't kalahating oras lang naman silang mawawalan ng signal. pagka lapag ng eroplano ganon din, parang me contest ng kung sino unang makakapag text.

kwela rin na kahit nagta-taxi pa ang plane sa runway ay may mga tumatayo nang pasahero at mag-uunahan na pumila pababa kahit sarado pa ang pinto ng plane. hindi ko ito maintindihan, una dahil hindi naman sasabog ang eroplano, pangalawa ay hindi ka naman paglilinisin kapag ikaw ang nahuling bumaba. bukod don ay halos karamihan ng nag-uunahan bumaba ay maghihintay din lang naman sa baggage area sa terminal kaya bale walang mauna ka dahil maaabutan ka rin ng lahat don at di mo naman sigurado na gamit mo ang unang lalabas.

habang hinihintay ko yong bagahe ko ay inisip kong nakakatawa kung biglang lumabas sa conveyor belt ang mga brief kong ninakaw hahaha! pero hindi, malamang ay suot na yon ng magnanakaw ng brief ng iba.


3 comments:

Jazz said...

Tama ka jan bro, walong taon ako sa trabahong kabilang sa job description ang paninigaw at pagpapahiya sa mga nangungunang tumayo sa sandaling makaramdam ng kalabog sa pwet. Tipong:"Mister Pogi(poging tanga) na naka blue, please take your seat!".Would you believe, mas disiplinado pa pala tayong mga Pilipino sa lagay na 'yon. Sa Mumbai, Cairo at Kuwait, nagtutulakan pa matapos ang sabay-sabay na pagbukas ng OHB (overhead bins) habang ipinagdadasal ko ng sana'y mabagsakan sila ng nagbibigatang attache case nila sa ulo, bumagsak sila sa aisle nang maharangan ang iba pang nagtutulakan makapila sa pinto, habang pinepreno pa ng piloto ang eroplano sa runway. Sana din na biglang preno ang gawin ng Piloto nang makakita ako ng human domino. AT!, sila pa ang galit pag pinaupo mo.

Maniwala ka ulit, sa Pilipinas ka lang makakarinig ng palakpakan oras ng lumapag na ang sasakyang panghimpapawid.

Quiz: ano ang "Salipawpaw?"

ikabod said...

ang salipawpaw ba ay sasakyang panghimpapawid?

Jazz said...

Malapit na. Ito ay sasakyang sumasali sa Himpapawid. Noon akala ko ito'y pwede ring pantuloy sa Eroplano. Helicopter lang pala. Hanggang ngayon kinukumpirma ko pa rin kung may salita ngang ganito dahil maliban sa Tiyahin kong Filipino Teacher, e hindi ko pa naririnig ang salitang ito sa ibang tao.