kahapon naalala ko si benson, na sa totoong ispeling ay vinzon, vinzon na buong buo at malinaw na malinaw sa pagbibigkas ng nanay niya kapag kausap siya, pero kahapon benson ko siya naalala. pero hindi buo ang pagkaalala ko sa kanya dahil hindi naman siya ang inaalala ko kundi yong librong hindi niya nanenok sa library ng PUP na maya't maya'y nagdulot ng malaking pagsisisi sa kaniyang pag-iisip lalo na kapag nakainom hanggang sa mabagok ang kanyang ulo dahil sa kabadtripan sa kanya ng ibang nakainom din sa mayric's isang dekada na ang nakalipas. iba na ang maya't maya niyang pinagsisisihan pagkatapos non.
sa mga kwento, awit, tula, dula, sining biswal at iba pang porma ng kulturang popular may patterns na parating sumusulpot, mga elemento na binabalik-balikan. tulad ng the shadow, maaari ito ang alter ego o katapat na karibal ng bida, si clark ni supe, si bizzaro ni supe, korni kapag walang itinatago ang bida, walang dark side o kaya ay napaka-husay na nilalang na walang sinumang makatatapat na kontrabida. kaya nga mas magandang basahin si batman kesa kay superman. si batman si ang psychologically twisted na si bruce na sa totoo lang ay wala namang super power samantalang si superman ay si SUPERMAN! ano pa bang magagawa mong kwento sa isang nilalang na magtanggal lang ng salamin at magladlad ng kapa ay nagiging SUPERMAN kundi ay patayin siya kunwari at buhayin sa iba't ibang katauhan bago ibalik uli sa dati ng SUPERMAN!
parati ring sumusulpot ang trickster, ang helpful animal at ang wise old man. mga elementong gamit na gamit ni aesop at brothers grimm na patuloy na nagpaparamdam sa anyo nila joker, gughead, yoda, gandalf, r2-d2, si father francis, si cassiopea, ang narrator ng kantang the gambler ni kenny rogers o father and son ni cat stevens. minsan para maiba naman ay batang babae ang wise old man, pero wise old man pa rin yong elementong yon. pwedeng gawing contest yan kapag nanonood ng sine o tv, paunahang hanapin ang wise old man!
parati ring naririyan sa iba't ibang anyo ang "the quest", para sa dragonlance, para sa one ring, para sa punyetang diary, para sa holy grail. hindi rin nawawala ang seductress, ang mother, at iba pa. may pattern, palaging may pattern, minsan naiisip ko sana hindi ko na lang nabasa yong librong yon.
Wednesday, February 08, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment