Sunday, August 13, 2006

petitioner # 2876

hokey panahon na naman para sa isang "i don't usually post stuff like this but...."

kahapon nalaman ko sa internet na ang nabalitaan kong pinatay sa baranggay malusay, guihulngan nuong hunyo 20 ay isa palang volunteer ng human rights organization na karapatan, si eladio dasi-an. halos 2-3 kilomentro lang ang layo ng pinangyarihan sa aking tinutuluyan sa poblacion ng guihulngan. madalas ako sa malusay dahil baybaying baranggay ito, nai-post ko pa sa accidental photoblogger ang ilang pics nakuha ko doon nuong linggo na pinatay si eladio.

sa gitna ng mga tagay ng tuba sa tabing dagat o pagtungga ng beer sa poblacion ay makakarinig ako ng mga kuwento ng salvagings sa guihulngan, di ko malaman kung alin ang pulitikal at hindi, pati ng mga engkwentro sa mga kabundukang baranggay. ang pinsan ng katiwala sa bahay na tinululuyan ko ay survivor ng isang raid ng mga rebelde sa isang para-military unit kailan lang.

mayroong libro na inilathala ang national council of churches in the philippines tungkol sa resulta ng isang international fact-finding mission sa negros oriental at cotabato nuong dekada 80 at isang chapter ang naka-laan para sa guihulngan. ang meyor na binabanggit sa libro ay siyang meyor pa rin ngayon. sa brgy mckinley pa rin nakabase ang militar ngayon ayon sa ulat na mayroon daw "death squad".

isang lider mananagat na ginawang sundalo nuong batas militar sa murang edad na 16 ang nag-paliwanag sa akin na napakahirap para sa mga sinanay pumatay na kumawala sa buhay ng karahasan. pag-aralan ko daw ang mga kasabayan niyang naging sundalo nuong 1975-1981, halos puro ekstensyon ng pagiging killing machine ang buhay ngayon - mga naging bodyguards ng mga pulitiko, mga naging gun for hire, nasa kidnap for ransom groups, o kahit pa simpleng siga-siga sa kanilang mga lugar.

pagkarating daw niya sa kanyang yunit sa mindanaw noon ay natakot daw agad siya sa kakaibang pagkilos at pag-iisip ng mga "beterano" na gumagawa pa ng kwintas ng mga tinuhog na mga tenga ng mga napatay nila. ang pa-welcome sa mga baguhan ay pag-"take over" sa mga morong inabutan sa checkpoint sa wala daw sedula. nuong tinanong ko kung ang ibig sabihin ba ng take over ay ipinababaril ang mga nahuli sa mga baguhan, ang sagot sa akin ay hindi daw. dahil "silent killing" kapag sa checkpoint, kaya daw sila may issue na bayoneta, sayang din ang bala.

mula sa ganoong training daw na gagawin silang killing machine, sabi niya ay wala namang re-training para sa mga umaalis ng pagka-sundalo para makabalik uli sa pag-iisip sibilyan, para maging epektibo silang maging mapayapang mamamayan. kaya hirap silang mabuhay na walang baril, noon nga daw sibilyan na siya at di siya naka-abot sa last trip ay nagpaputok siya ng ilang beses para pasakayin siya ng bus driver. paghahanap ng kaaway ang training sa kanila kaya hindi kapareho ng sibilyan ang pag-iisip nila kapag may bagong taong lalapit at babati sa kanila. kapag inuman daw ay parating nakabantay ang dating sundalo sa kainuman dahil baka "unahan" siya nito kaya madalas ay "uunahan" na niya ito.

ang tagal daw ng struggle niya bago niya tinalikuran ang paghawak ng baril. kahit ngayon daw na matagal na siyan lider mananagat ay marami pa ring ang tingin sa kanya ay ang dating siga at basagulero. sabi ko dapat pala ay may organisasyon sila para sa "civilian re-training" pero mahirap na daw dahil kapag sinisimulan pa lang niya mag-paliwanag sa mga dati niyan ka-batch ay tinatawanan lang siya at tinatanong kung nag-pari na ba siya.

kaya hindi napakahirap para manumbalik sa panahon ng patayan nuong martial law, kaibhan lang ngayon ay pati mga sibilyan parang nasanay na rin sa patayan sa paligid. ang bigat-bigat ng pakiramdam ko kahapon ng makita ko ang larawan ng dalawang LFS bikol na mukhang nagkukulitan sa isang pagtitipon, pareho na silang patay ngayon sa magkahiwalay na kaso ng pagpaslang. naisip ko na sana pala binigyang parangal si castor na board member ng task force detainees of the philippines nuong na-survive niya ang pagkakabaril sa kanyang mukha nuong isang taon, bakit kapag namatay doon laman ibinubuhos ang pighati at parangal?

nuong nabasa ko ang online petition STOP EXTRA-JUDICIAL KILLINGS IN THE PHILIPPINES gusto kong magpasalamat sa mga banyaga at mga migranteng pilipino na naglagda doon, nag-uumapaw ang aking damdamin sa pakikipag-isa nila sa mga biktima at pamilya ng mga pagpatay, at sa ating lahat na nabubuhay rito sa gitna ng malawakang kampanya ng kamatayan.

pero hindi pasasalamat ang nais nila kundi pakiki-isa, paghimok at pagkilos. kaya't ang aking pasasalamat at pakiki-isa ay aking ginawa sa pagsama ng aking pangalan sa online petition. ito na rin ang aking munting paunang pagkilos, sanay pati sa iyo na rin.

salamat.

No comments: