naghanap ako ng munggo kanina sa turo-turo na katabi ng 7-11 malapit sa lrt 2 station sa cubao, sa kanto ng st. mary at aurora na kapag gabi ay sangkatutak na babae ang nakatambay na iaalok sa akin ng kanilang bugaw, na madalas ay matandang babae, bakla o babaeng tomboy ang itsura, "chicks sir?" "kuha ka ng babae?" "sir ilan?", marunong din sila dahil kadalasan akong maalok kapag galing ako sa atm ng bpi na katabi ng 7-11, sigurado nga namang me pambayad ang bagong withdraw don, minsan naringgan namin ni cheryl magsigawan yong mga bugaw ng "hoy dito na yan, tatlo ang kelangan dito!" "ah hinde, nauna na dito", kahit nga iyong turo-turo na sinasabi ko eh inuman talaga yon na nagtitinda lang ng ulam kapag tanghali, pagkatapos non eh patuloy ang pagiging inuman niya na me bidyoke, na me mga babaeng pan-table, hindi ko pa nakitang magsara yong puwestuhan na iyon, gabi, madaling araw, umaga at hapon bukas siya, hindi nawawalan ng customer na naghahanap ng ka-table, napansin ko din na mga kuwarto kuwarto pala ang itaas ng lugar na iyon kapag tumingala ka sa labas, kamot din ako ng ulo ko na bakit matagal kong inisip na apartment ang asa bandang taas ng maliit na building na iyon, syempre kwarto kwarto, bakit ko inisip na pang-table lang ang ka-table, kapag gabi me manang don na me isawan, na kapag maaga aga pa eh yong mga babaeng nakatambay sa kalye at pang-table na wala pang ka-table ang kumakain ng mga binabarbekyu niya, kapag bandang hating-gabi na ay hapo nang nakakatulog si manang na nakasandal sa pader na hawak ang pamaypay niya para sa isawang uling na unti unti nang namamatay sa pagmadaling araw.
bakit kaya biyernes nagluluto ng munggo ang mga turo-turo at karinderya?
Wednesday, August 10, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
siret...
Post a Comment